Doktor sa OMMC kinastigo ni Erap
MANILA, Philippines – Kinastigo ni Manila Mayor Joseph Estrada ang isang doktor sa Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) na umano’y hindi sapat na inasikaso ang isang nanay at kaniyang 6-taong gulang na anak na may dengue at sa halip ay itinuro pa ang mga ito sa ibang ospital.
Hindi muna ibinunyag ni Estrada ang pangalan ng doctor habang isinasagawa ang imbestigasyon base sa reklamo ni Gng, Gina Lumtong, 31 na umano’y itinaboy kasama ang kanyang anak na may dengue noong Nobyembre. Nabanggit ni Lumtong ang kanilang dinanas sa ginanap na “Ugnayan sa Mamamayan” ni Estrada sa Onyx Street, Brgy. 775 sa District 5 ng Maynila.
Ayon kay Lumtong, ang kanyang anak na si Nicole ay may dengue at may mataas na lagnat noon at kasabay nito ay nagsusuka rin at nagdudugo ang ilong. Sinabi niyang alam niyang dapat ay makakatanggap siya ng libreng serbisyo mula sa OMMC ngunit laking gulat niya nang sinabihan siya ng doktor na pumunta muna sila sa ibang ospital gaya ng Philippine General Hospital (PGH), para doon kumuha ng mga laboratory tests dahil sira ang mga kagamitan ng OMMC.
Ang mga nasabing lab tests ay nagkakahalaga aniya ng mahigit P2000, pero P120 lang ang pera niya noon kaya nagdesisyon siyang ilipat na lang ang kanyang anak sa ibang ospital na makakapagbigay ng libreng serbisyo.
Dahil dito hindi na tinapos ni Estrada ang ugnayan at sa halip ay kinompronta ang doktor at sinabihan na ginagawa ng city government ang lahat upang mabigay ang pangangaiilangan ng mga ospital subalit kailangan din aniyang ibigay ng mga ito ang kanilang libreng serbisyo.
Muling nagbabala ni Estrada na mahaharap sa mabigat na parusa ang sinumang opisyal o kawani ng alinman sa Manila City hospitals na hindi susunod sa kaniyang direktibang magbigay ang mga ito ng mabilis, kumpleto at libreng serbisyo sa mga pasyente. Kabilang aniya sa mga libreng serbisyong ito ang doctor’s fees, rooms, laboratory tulad ng X-Ray at iba pang procedures, gayundin ang mga gamot na ibibigay sa pasyente.
- Latest