Magkapatid na suspek sa ‘road rage’ sa Pasig, tukoy na
MANILA, Philippines - Tukoy na ng mga tauhan Eastern Police District (EPD) ang magkapatid na sinasabing sumuntok at bumaril sa isang driver sa ibabaw ng tulay sa Ortigas Avenue, Pasig City kamakailan.
Kinilala ni Chief Supt. Elmer Jamias, director ng EPD, ang magkapatid na suspek na sina Nor Faisal Mohammad, 24 at Tameme Magumnang Mohammad,18, kapwa residente ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Iniutos na ni Jamias sa kanyang mga tauhan ang manhunt operation sa magkapatid makaraang marekober ang itim na Toyota Innova (APA-9824) na kanilang sinasakyan noong maganap ang gitgitan o ‘road rage’ kung saan ay binaril ang biktimang si Richard Tuazon, 37.
Nabatid ng EPD sa Land Transportation Office (LTO) na nakarehistro sa isang Ali N. Amer, residente ng Garden Royal Villas, Bgy. Pinagbuhatan, Pasig City ang nasabing Innova.
Batay sa imbestigasyon, si Nor ang nagmamaneho ng Innova nang magkaroon ng gitgitan sa ibabaw ng Rosario Bridge noong Disyembre 10, 2015 bandang alas-11:50 ng tanghali.
Nakagitgitan ni Nor ang L-300 van na minamaneho ng biktimang si Tuazon, kaya napilitan itong bumaba ng sasakyan kabuntot ang nakababatang kapatid.
Sinabi ng isang saksi, sinuntok ni Nor ang biktima samantalang si Tameme ang bumaril kay Tuazon ng limang beses na siyang dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Humingi naman ng palugit ang asawa ni Nor na si Anisah Hajie Naem para sa pagsuko ng kanyang mister na nahaharap ngayon sa kasong murder.
- Latest