Seguridad sa Simbang Gabi, plantsado na
MANILA, Philippines – Plantsado na ang seguridad na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa susunod na linggo kaugnay ng pagdiriwang ng Kapaskuhan sa buong bansa partikular na sa Metro Manila. Ito ang inihayag kahapon ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor sa ginanap na press briefing sa Camp Crame.
Ayon kay Mayor sa kasalukuyan ay nasa heightened alert ang PNP sa Oplan Ligtas Paskuhan at depende na sa mga District Director, Regional Directors, Provincial Directors at iba pang mga unit commanders kung magtataas sa full alert status sa umpisa ng Simbang Gabi sa Disyembre 16 hanggang sa 24 ng buwang ito o Misa de Gallo.
Sinabi ni Mayor alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez ay magdedeploy ng karagdagang mga pulis sa bisinidad ng mga simbahang Katoliko upang bigyang proteksyon ang mga deboto na dadalo sa tradisyunal na Simbang Gabi. Ayon pa kay Mayor, magtatalaga rin ng mga chokepoint at checkpoints sa mga istratehikong lugar partikular na para kumpiskahin ang mga ilegal na paputok na posibleng ipuslit naman sa merkado lalo na sa National Capital Region (NCR) kaugnay naman sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Idinagdag pa ng opisyal na makakatuwang rin ng mga pulis sa pagpapaigting ng police visibility ang mga K-9 dogs upang tiyakin ang seguridad ng mamamayan sa misyon na maging mapayapa ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Sa panig naman ni Supt. Pedro Sanchez, Chief ng Quezon City Police Kamuning Station 10, full alert ang kaniyang nasasakupan sa umpisa sa Simbang Gabi sa lungsod Quezon.
- Latest