Negosyante, absuwelto sa carnapping
MANILA, Philippines – Ibinasura ng Manila Trial Court ang kaso carnapping laban sa isang negosyante na dinakip noong Oktubre 2012.
Batay sa desisyon ni Manila RTC Judge Ma. Paz Reyes Yson ng branch 54, sinabi nito na inabsuwelto sa kaso si Gil Emerenciana y Ibardolaza dahil na rin sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
Hindi umano napatunayan ng prosecution na nagkaroon ng carnapping dahil kabilang dito ang pagkuha ng sapilitan ng sasakyan sa tunay na may-ari, paggamit ng karahasan at ang pagnanais na makuha ang pakay.
Nabatid na tanging ang testimonya lamang ni PO2 Javier Pederio ang naging basehan ng prosecution at hindi man lamang humarap sa hukuman ang registered owner nito na si Ma. Elena Te at ang private complainant na si Donald Esterban Jr.
Binigyan diin pa ng korte na nabigo ang prosecution na patunayan ang ‘quantum of proof’ para ma-convict si Emerenciana
Nakasaad sa record na kinarnap umano ni Emerenciana ang sasakyan ni Esterban noong Oktubre 21, 2012 na Isuzu Crosswind High Lander na may palkang XDE 377. Naka-alarma umano ito kung kaya’t namang mamataan ito sa Sta. Mesa Maynila noong Mayo 24, 2013 ay agad na sinita ito ng mga pulis kabilang na si Pederio.
Una nang kinuwestiyon ni Atty. Jose Icaonapo, Jr. at legal counsel ni Emerenciana sa pagdinig ng kaso, ang mga iprinisintang documentary evidence ni Pederio kabilang na ang sworn statement ni Esterban na hindi naman sumipot sa alinmang pagdinig.
Si Icaonapo ay dating IBP Governor for Greater Manila Region at pangulo ng Philippine Trial Lawyers Association (PTLA).
- Latest