Operasyon ng Uber at Grabcar, pinahinto ng korte
MANILA, Philippines – Ipinahinto kahapon ng Quezon City court ang department order ng Department of Transportation and Communication (DOTC) at memorandum order ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mabigyan ng permit ang aplikasyon ng Grabcar at Uber Taxi na makapag-operate sa loob ng 20 araw .
Ito ay makaraang magpalabas ng temporary restraining order (TRO) si QC- RTC branch 217 Judge Santiago Arenas hinggil sa petisyon ng transport group na Stop and Go Transport Coalition.
Sa ilalim ng petisyon, hiniling ni Magno na magpalabas ang korte ng TRO upang ipatigil ang implementasyon ng department order ng DOTC 2015-011 na nagbigay ng provisional authority sa mga Transportation Network Company (TNC) o mga sasakyan na namamasada sa pamamagitan ng on-line applications gamit ang internet.
Sa ilalim ng order ni Judge Arenas, inutos nitong itigil muna ng LTFRB ang pagtanggap, pag-proseso at pag-apruba ng lahat ng TNCs hanggat hindi nareresolba ang isyu.
“Kasi unang una, humihingi kami ng tulong ng DOTC at LTFRB at naninikluhod na maaksiyunan ang aming request na ma-extend ang aming franchise, pero anung ginawa ng gobyerno, dalawang taon kaming naghihintay tapos ngayon nagbigay ang DOTC at LTFRB ng pahintulot na makapasada ang Uber at Grabcar eh wala namang franchise ang mga yan eh! Anu ba ang serbisyo ng gobyerno nito sa amin,di ba parang may tinitingnan at pinapanigan? Kaming maliliit na operator at drivers ayaw pakinggan pero ang mayayaman na operator ng Uber at Grabcar napagbigyan na pumasada? Yan ang bahagi ng sentimiento namin sa korte” , pahayag ni Jun Magno,Pangulo ng Stop and GO Transport Coalition.
Itinakda ng korte ang preliminary injunction sa December 8, 2015 ng alas- 8:30 ng umaga.
Kasabay nito, sinabi naman ni Atty Ariel Inton, boardmember ng LTFRB na nirerespeto ng ahensiya ang utos ng korte hinggil dito.
Sa ngayon ay may 7,000 Uber taxi na ang tumatakbo at may 11,000 private cars ang nagsipag-aplay para dito. Ang Grabcar naman ay mga dati ng taxi units na may franchise na sumailalim sa on line applications para makakuha ng pasahero sa pamamagitan ng internet.
- Latest