Rali ng mga taga-suporta ni Poe tatagal hanggang Disyembre 10
MANILA, Philippines – Tiniyak ng mga taga-suporta ni Senator Grace Poe na araw-araw silang magsasagawa ng kanilang rally sa harap ng Palacio de Gobernador upang kondenahin ang umano’y pagdiskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) sa kandidatura nito.
Suot ang puting t-shirt, sinabi ng mga taga-suporta ni Poe na layon ng kanilang pagra-rally na maliwanagan ang Comelec, patakbuhin si Poe at bawiin ang kanilang desisyon.
Martes nang ibaba ng Comelec 2nd Division ang kanilang desisyon kay Poe na nagsasaad na hindi ito maaaring tumakbo sa pagkapangulo dahil na rin sa pagiging hindi natural born Filipino.
Ang desisyong ibinaba ng Comelec 2nd Division ay sa petisyon ni Atty. Estrella Elamparo. Tatlo pang petisyon naman ang nakabinbin sa 1st Division ng Comelec.
Nabatid na nasa 1,000 supporters ang sumugod kahapon sa harap ng tanggapan ng Comelec upang ipanawagan na payagang makatakbo sa 2016 presidential elections si Poe.
Samantala, nagpahayag naman ng kalungkutan si Manila Mayor Joseph Estrada sa diskuwalipikasyon ni Poe na kanyang inaanak.
Umaasa si Estrada na malalabanan ni Poe ang kinakaharap na problema at kontrobersiya kung saan mababaligtad ito ng Korte Suprema.
Sakali umanong madiskuwalipika si Poe ng tuluyan at makulong si Vice President Jejomar Binay mapipilitan siyang tumakbo sa pagkapangulo.
- Latest