Holdaper sugatan sa lady cop
MANILA, Philippines – Isa sa tatlong holdaper ang nasugatan makaraang manlaban sa isang babaeng pulis na rumesponde sa ginawang panghoholdap ng grupo ng una sa isang pampasaherong bus sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang sugatang suspect ay nakilalang si Juanito Arsenio, alyas Yoyoy, 39, binata, miyembro ng ‘Commando gang’ at residente sa Benitez St., Brgy. San Martin de Porres, Cubao sa lungsod. Nagtamo ito ng sugat sa katawan makaraang makipagbarilan sa pulis na si PO1 Judy Ann de Villa, 24, nakatalaga sa Navotas Police Station. Mabilis namang nakatakas ang dalawang kasamahan ng suspect.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Edsa, partikular sa harap ng Samson College sa P. Tuazon Blvd., Cubao, ganap na alas-11:25 ng hapon.
Bago ito, sakay umano si PO1 de Villa ng Cher bus mula C-3 Navotas, papauwi sa kanyang bahay at habang tinatahak ng bus ang nasabing lugar ay sumakay ang tatlong suspect. Ilang sandali pa, isa sa mga suspect na kalaunan ay nabatid na si Arsenio ang biglang nagbunot ng baril at nagdeklara ng holdap, saka puwersahang kinuha ang bag ng isang babaeng pasahero.
Sa puntong ito at sa tawag ng tungkulin, nagpasyang tumayo si PO1 de Villa saka nagpakilalang pulis bago itinutok ang kanyang service firearm sa suspect at inutusang sumuko. Pero sa halip na sumunod, mabilis na tumalon ang suspect tangay ang gamit ng pasahero, habang nakatutok ang baril niya sa pulis. Sumabay na din sa pagtalon ang dalawa pa nitong kasama.
Subalit, hinabol ni PO1 de Villa ang suspect na si Arsenio hanggang sa makorner sa isang lugar. Dito ay tinangka ng suspect na paputukan si PO1 de Villa dahilan para mapilitang barilin siya nito at tamaan sa katawan, hanggang sa duguang bumulagta sa semento.
Narekober ni PO1 de Villa sa tabi ng suspect ang isang kalibre 22 na baril, habang agad namang kinuha ng babaeng biktima ang kanyang bag saka mabilis na umalis sa lugar. Kusa namang nagtungo si PO1 de Villa sa himpilan ng CIDU para sa kaukulang pagsisiyasat.
- Latest