Dahil sa problemang teknikal LRT-1, nag-downgrade ng operasyon
MANILA, Philippines – Napilitan ang pamunuan ng Light Rail Transit (LRT-1) na mag-downgrade ng operasyon kahapon ng tanghali bunsod ng problemang teknikal.
Sa isang advisory na ipinaskil ng pamunuan ng LRT-1, pasado alas-12:00 ng tanghali nang magpatupad ito ng provisional operation mula Gil Puyat hanggang Roosevelt Station at pabalik lamang.
Ipinaliwanag nitong technical problem ang dahilan nang pagpapaigsi ng biyahe ng kanilang mga tren.
“Paumanhin po sa abala. Due to some technical problem, ang biyahe po ng LRT1 ay pansamantala munang Gil Puyat-Roosevelt/Roosevelt to Gil-Puyat.,” tweet ng LRT-1 management.
Ayon naman sa ilang security guard ng LRT-1 sa Baclaran Station, Pasay City, walang electric supply ang mga train cables kaya’t hindi makapagpatupad ng regular na biyahe.
Kaagad din namang naayos ang problema at naibalik sa normal ang operasyon ng tren, o mula Baclaran Station hanggang Roosevelt Station at vice versa, pagsapit ng ala-1:00 ng hapon.
- Latest