Facial composite ng killer ng nanay ni ‘Pastillas Girl’, inilabas
MANILA, Philippines – Inilabas na ng Caloocan City Police ang artist sketch ng gunman na bumaril at nakapatay sa ina ni internet sensation “Pastillas Girl”.
Inilarawan ni Caloocan City Police Chief, Senior Supt. Bartolome Bustamante ang suspek na may taas na 5’4”-5’5” ang taas, nasa 35-40 taong gulang, at may timbang na 150-160 libras at nakasuot ng brown jacket at puting kamiseta nang isagawa ang krimen.
Sinabi ni Bustamante na inatasan na rin sila ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na ituloy-tuloy ang imbestigasyon hanggang sa maresolba ito at may makasuhan para makamit ang katarungan sa biktimang si Maria Teresa Santos Hernandez, isang barangay kagawad sa lungsod.
Ito ay sa kabila ng paglapit rin ng pamilya ng biktima sa National Bureau of Investigation (NBI) kung saan ibinigay umano ng mga kapamilya ang cellular phone ng biktima na posibleng maglaman ng mga mahahalagang impormasyon sa kaso.
“Para sa amin welcome na may kasama kami sa imbestigasyon para agad na maresolba ito. Handa po ang Caloocan City Police na magbigay ng nakalap naming impormasyon sa NBI kung kakailanganin nila,” ani Bustamante.
Nakatutok pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa isang lalaki na personal na nakarelasyon ng biktima na hindi na umano makita ngayon ng pulisya.
- Latest