Personal na relasyon, sinisilip sa pagpatay sa ina ni Pastillas girl
MANILA, Philippines – Lumalabas ngayon sa imbestigasyon ng Caloocan City Police na personal na relasyon ang motibo sa pamamaslang sa ina ni Pastillas girl ng nag-iisang gunman sa Caloocan City.
Sinabi ni Caloocan Police Chief, Sr. Supt. Bartolome Bustamante na base sa inisyal nilang pagtatanong, tinanggal na nila ang anggulo sa politika at negosyo sa pamamaslang sa 43-anyos na si Maria Teresa Santos Hernandez, barangay kagawad, at ina ni Pastillas Girl Angelica Hernandez Yap.
Kinumpirma nito na may nobyo ang biktima makaraang makipaghiwalay sa matagal na panahon sa orihinal na asawa. Ngunit itinanggi ng opisyal ang napaulat na posibleng may pinagsabay na karelasyon ang biktima.
“I don’t think naman na nagsabay-sabay. Siguro one at a time naman. Baka hard loser itong isa hindi matanggap,” ani Bustamante.
Nakipag-usap na rin umano si Angelica sa mga opisyal ng Caloocan Police ngunit wala pang matibay na mga impormasyon na magdidiin sa posibleng suspek.
Umaasa naman si Bustamante na sa kanila iti-turn-over ni Angelica ang cellular phone ng ina dahil sa importante ang mga mensaheng nilalaman nito makaraang mapaulat na matagal nang nakakatanggap ang nasawi ng mga death threats.
Bukas naman umano ang Caloocan City Police sa pagsasagawa ng parallel investigation ng National Bureau of Investigation (NBI) makaraang lumapit na rin umano dito ang pamilya ng biktima.
Nakatakda namang maglabas ng artist sketch ang pulisya sa hitsura ng nag-iisang gunman na bumaril sa biktima. Sa ulat, kumakain sa isang puwesto ng ihaw-ihaw ang biktima dakong alas-9:20 ng gabi sa kanto ng Tagaytay at Cabatuan Street sa Brgy. 131 nang barilin ng gunman sa ulo.
- Latest