Binaril sa ulo: Ina ni ‘Pastillas Girl’ todas
MANILA, Philippines - Masusing iniimbestigahan ngayon ng Caloocan City Police ang pamamaslang sa ina ni “Pastillas Girl” na binaril ng malapitan sa ulo habang kumakain ng ihaw-ihaw kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Bagama’t naisugod pa sa Chinese General Hospital, nalagutan rin ng hininga dakong alas-12:45 ng madaling araw si Maria Teresa Hernandez, 43, hiwalay sa asawa at kagawad ng Brgy. 131 Barrio San Jose sa naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, kumakain ng ihaw-ihaw ang biktima sa kanto ng Tagaytay at Cabatuan St. sa naturang barangay dakong alas-9:20 ng gabi nang lapitan buhat sa likuran ng nag-iisang salarin at barilin ito ng malapitan sa ulo.
Agad na tumakas ang gunman sakay ng motorsiklo na inilarawang may kapayatan at may taas na 5’4”.
Sinabi ni Caloocan City Police chief, Sr. Supt. Bartolome Bustamante na tatlong anggulo ang kanilang tinitignan sa krimen. Una dito ang posibleng may kinalaman sa trabaho bilang opisyal ng barangay, sa negosyo at personal na buhay.
Pansamantalang inilagay naman bilang “person of interest” ang hindi munang pinangalanan na nobyo ng biktima. Ayon sa mga kaanak ng biktima, matagal nang hiwalay si Teresa sa mister nito at may karelasyon na seaman na plano ring kalasan ng biktima dahil sa umano’y pagiging seloso.
Nabatid rin na may ilang buwan nang nakakatanggap ng death threats ang biktima kabilang ang hindi na umano patatagalin ang buhay nito bago mag-Pasko. Hindi naman ito pinapansin umano ng biktima.
Samantala, nanawagan naman ng hustisya si Pastillas Girl o Angelica Hernandez sa totoong buhay para sa kanyang ina. Sinabi nito na inabutan pa niyang humihinga ang ina sa pagamutan hanggang sa tuluyang bumigay ang buhay.
Patuloy naman ang follow-up operation ng Caloocan City Police at paulit-ulit na rerebisahin ang kuha ng closed circuit television sa lugar. Umaasa si Bustamante na matutukoy na nila ang motibo sa krimen sa madaling panahon.
- Latest