Alay Lakad kontra Droga isinagawa
MANILA, Philippines – Nagdaos kahapon ng Alay Lakad Kontra Droga ang Eastern Police District (EPD) sa ilalim ng pamumuno ni P/Chief Supt. Elmer Jamias.
Katuwang ng EPD sa naturang aktibidad ang Pasig City local government, sa pamamagitan ng Anti-Drug Abuse Council of Pasig (ADCOP), mga local Chief Executives at mga coordinating at support agencies.
Ang aktibidad ay may temang “mamamayan at pulisya magkasangga laban sa droga,” ay sinimulan dakong alas-5:00 ng umaga, sa M.C. Eusebio Quadrangle, Pasig City.
Naging panauhing pagdangal nito si NCRPO Regional Director P/Director Joel Pagdilao, na siya ring naging speaker.
Nasa 10,000 ang lumahok sa aktibidad na kinabibilangan ng mga estudyante, mga miyembro ng mga non-government organization (NGO), at mga local government units ng Marikina, Pasig, Mandaluyong at San Juan.
Naging highlight ng okasyon ang pagsira sa isang effigy ng drug pusher, na sinundan ng Pledge of Commitment para labanan ang illegal na droga.
Ayon kay Jamias, isinagawa ang aktibidad kasabay nang pag-obserba sa taunang Drug Abuse Prevention and Control Week (DAPC Week) na may temang “Lets Develop Ourselves, Our Communities, and our Identity without drugs.”
Nais rin aniya nitong ipakita na ang matinding pagnanais ng PNP, partikular ng EPD, na tuluyan nang masugpo ang illegal na droga sa kanilang area of responsibility.
Layunin rin nitong makabuo ng camaraderie at pagkakaisa sa komunidad, Pasig City Government at mga pulis para sa isang lipunang walang droga o drug-free society.
- Latest