Clerk tinumba sa harap ng misis
MANILA, Philippines – Isang 47 anyos na clerk sa isang tanggapan ng gobyerno ang pinagbabaril at napatay sa harap ng kaniyang misis, sa Tondo, Maynila, kahapon ng hapon.
Dead on the spot dahil sa limang tama ng bala sa dibdib ang biktimang kinilalang si Melencio Alcalde Y Angulo, clerk sa hindi pa tinukoy na tanggapan ng gobyerno at residente ng Herbosa St., Tondo, Maynila..
Sugatan din dahil sa tama ng bala sa kaliwang tuhod ang ina ng napatay na si Gng. Nieves Alcalde Y Angulo, 76-anyos na nilalapatan ng lunas sa Tondo Medical Center.
Tinukoy naman ng misis ng napaslang na si Marissa Alcalde, 54 anyos, na ang bumaril sa kaniyang asawa ay tagaroon din sa kanilang lugar na kinilalang si Alfredo Tenoso alyas “Jonjon”, na mabilis na nakatakas matapos ang pamamaril.
Sa inisyal na ulat ni PO3 Jorlan Taluban kay Senior Inspector Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong ala-1:15 ng hapon (Linggo), sa tapat ng bahay ng mga biktima sa panulukan ng Herbosa at Imelda sts., sa Tondo.
Habang nasa labas umano ng bahay ang biktima, misis nito at ina ni Melencio na si Gng. Nieves nang biglang sumulpot sa kanilang harapan ang suspek at pinaulanan ng putok si Melencio habang nadamay ang ina nito.
Pinaniniwalaang may naghihintay na get-away vehicle sa suspek dahil umalis ito sa halip na magtungo sa direksiyon ng kanilang bahay.
Patuloy pa umano nilang aalamin ang motibo at kung saan nagtatago ang suspek para sa isasampang kasong murder.
- Latest