‘Tindahan ni Ate Joy’, aarangkada uli
MANILA, Philippines – Aarangkadang muli sa November 26 araw ng Huwebes ang ‘Tindahan ni Ate Joy Project-Part 3’ na pinangangasiwaan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na laan para sa mga single parent upang mapaunlad ang kabuhayan ng kani-kanilang pamilya.
Sa ilalim ng programang ito, may P10,000 halaga ng sari- sari store items ang ipinagkakaloob ni Belmonte sa bawat single parent na maaaring pagsimulan ng hanapbuhay na maliit na tindahan.
Ngayong Nobyembre, kapapalooban ng may 190 single parent ang benepisyaryo ng part 3 ng naturang proyekto.
Ang bahagi ng puhunan na ipagkakaloob sa part 3 project beneficiaries ay mula naman sa kita ng mga ‘Tindahan ni Ate Joy’ Part 2 at Part 1 beneficiaries.
Bago masakop ng programa, ang bawat single parent ay sinasailalim sa interview, orientation at iba pa at dapat itong Philhealth members.
“Marami na sa kanila ang umuunlad at napapagyaman ang kanilang tindahan, mayroon na sa kanila ang nagtayo ng karinderia dahil sa kinita sa kanilang tindahan kayat ang programang ito ay patuloy po nating gagawin para matulungan nating umunlad ang mga single parent ” pahayag pa ni Belmonte.
Sa ngayon may 600 member beneficiaries na ang ‘Tindahan ni Ate Joy’ mula nang umpisahan noong nakaraang taon.
- Latest