Mga kontrabando, patuloy na nasasamsam sa Bilibid
MANILA, Philippines – Muling nakasamsam na naman ng mga kontrabando tulad ng mga baril, appliances electronic gadget, mga bala at patalim ang raiding team ng Bureau of Corrections (BuCor) sa kanilang ika-5 ‘Oplan Galugad Operation’ sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Sa pahayag ni NBP Superintendent Richard Schwarzkopf, alas-5:00 ng umaga nang salakayin at suyurin nang pinagsanib na pwersa ng BuCor at Explosive Ordnance Disposal ng Philippine Army ang building 1 at 2, na nasa guardant 4 sa loob ng Maximum Security Compound kung saan nasa 1,000 bilanggo ang nakakulong dito.
Gumamit ng mine at metal detectors ang naturang raiding team upang matukoy ang mga nakabaong kontrabando, na halos may limang oras ang naging operasyon at kabilang sa muling ginalugad ay ang mga selda ng pangkat ng Batang City Jail, Sigue-Sigue Sputnik, Commando Gang at Genuine Ilocano Group (GIG).
Muling nakasamsam ang raiding team ng mga ibat-ibang uri ng appliances, electronic gadgets, isang kalibre 45 baril, improvised shot gun, assorted na mga bala, cellphone, mga ibat-ibang uri ng droga na umano’y pampagana sa sex at mga improvised na patalim.
Nakakumpiska din sa selda ng Sigue-Sigue Sputnik at Commando Gang ng chop-chop na parte ng mga motorsiklo at 11 bote ng Johnnie Walker Whisky na nakalagay pa sa alulod na yero.
Para hindi aniya mahalata, nakatambak sa mga yero at basura ang mga nakumpiskang kontrabando.
Nabatid pa kay Schwarzkopf, magkakabit na sila ng fish net sa mga bakuran ng NBP upang maiwasan ang paghahagis ng mga kontrabando sa mga bilanggo. Bukod dito, nagdagdag na rin sila ng CCTV camera sa loob, labas at buong bisinidad ng NBP.
- Latest