Habambuhay hatol kay Jason Ivler
MANILA, Philippines – Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ng Quezon City Regional Trial Court sa tinaguriang road rage killer na si Jason Ivler, matapos mapatunayang guilty sa kasong murder sa anak ni dating Undersecretary Renato Ebarle Sr. na si Renato Ebarle Jr. noong 2009.
Sa 48 pahinang desisyon ni QC-RTC branch 84 Judge Luisito Cortez, bukod sa life imprisonment, pinagbabayad din ng korte si Ivler ng multang P9,124,164 milyon para sa lost earning capacity; P143,890 para sa burial expenses; P75,000 para sa moral damages at P30,000 para sa exemplary damages.
Base sa rekord ng korte, si Ivler, pamangkin ng folk singer na si Freddie Aguilar at dating tauhan ng US Marine ang bumaril at nakapatay sa batang Ebarle noong Nobyembre 18, 2009 sa Santolan Avenue, Quezon City matapos ang mainitang pagtatalo dahil sa trapiko.
Matapos ibaba ang hatol, hindi naman kinabakasan ng emosyon ang mukha ni Ivler at tinanggap naman ng pamilyang Aguilar ang hatol ng korte.
Agad namang inutos ng korte na ilipat na si Ivler sa National Bilibid Prison.
Maluwag namang tinanggap ng mga Ebarle ang hatol.
Ani Romero Ebarle, tiyuhin ng biktima, ngayon ay natupad na ang kanilang pangako sa pamangkin na mabigyan ng hustisya ang naging kamatayan nito.
Si Ivler, 28 ay nahuli noong January 2010 sa bahay ng kanyang ina sa Blue Ridge A Subdivision sa QC matapos makipagbarilan sa mga elemento ng National Bureau of Investigation (NBI). Nasugatan dito si Ivler dahilan para masakote ng mga awtoridad matapos ding magtago sa batas.
Unang hinawakan ang kasong ito ni QC-RTC branch 77 Judge Alexander Balut pero binitawan ito dahil sa alegasyon ng respondent na may bias umano ito sa mga Ebarle dahil ang ama ng biktima ay isang mataas na opisyal noon ng gobyerno.
- Latest