1 barangay naapektuhan ng masangsang na amoy kemikal sa pabrika ng plastic, tumagas
MANILA, Philippines – Isang barangay sa lungsod Quezon ang nakaranas ng pagkahilo at paninikip ng dibdib makaraang makalanghap ng masangsang na amoy dulot ng tumagas na kemikal sa isang pabrika ng gawaan ng plastic sa lungsod, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Domingo Reyes, kagawad ng Brgy. Bagumbayan, buong residente sa kanilang lugar ang naapektuhan ng nasabing amoy na tila rugby.
Ang nasabing amoy aniya ay mula sa pabrika ng D&L Industries na matatagpuan sa Industria St., sa kanilang barangay na nagsimula nilang malanghap ganap na alas-2 ng hapon nitong nakaraang Linggo.
Sinasabing nangyari ang pagtagas ng kemikal sa paggawa ng plastic matapos na masira ang bahagi ng tanker habang isinasalin ito sa loob ng nasabing kompanya.
Ang naturang insidente ay agad namang ipinagbigay alam ng barangay sa awtoridad hanggang sa rumisponde ang kagawaran ng Bureau of Fire Protection sa pamumuno ni Senior Supt. Jesus Fernandez at sinimulang bombahin ng tubig ang tumagas na kemikal.
Pasado alas-4 kamakalawa ng hapon nang ideklara ng BFP na ligtas na sa kemikal ang buong paligid ng pabrika, pero tatagal pa anya ang amoy nito ng dalawang hanggang apat na araw, bago tuluyang mawala ang masangsang na amoy.
Ayon sa BFP, nabiyak ang bahagi ng tanker dahil sa malakas na pressure habang isinasalin ito.
Dagdag ni Reyes, hindi sila pinatulog ng nasa-bing amoy sa pangambang magdulot ito ng masama sa kanilang kalusugan. May pagkakataon anyang nawawala ang amoy pero muling bumabalik kapag malakas ang hangin galing sa nasa-bing pabrika.
Dahil sa lakas ng amoy ng kemikal, nagtuloy tuloy ito kahapon ng umaga hanggang sa umabot sa Circulo Verde hanggang Nuevo City sa C-5 Pasig.
Base naman sa pahayag ng Chemrez plastic plant kabilang sa planta ng kompanya, ang nalanghap na usok ay nagmula sa imbakan ng tangke na naglalaman ng monomer na ginagamit anya sa paggawa ng polymers tulad ng polystyrene plastic pellets.
Giit nito, ginagawa naman anya ng pamunuan ang lahat para matanggal ang masangsang na amoy sa pamamagitan ng paglalagay ng sprinkler system at cooling lines sa storage tank upang ang temperatura ay bumaba at ang usok nito ay makontrol.
Nanatili rin anyang naka-istambay ang buong team ng kumpanya maging ang kagawaran ng BFP sa sandaling magkaroon muli ng panganib.
Inabisuhan din nito ang mga apektadong residente na pansamantalang umiwas dahil ang naturang usok ay delikado at ang mahabang exposure dito ay maaaring makaranas ng pagkahilo at paninikip ng dibdib.
Samantala, ayon pa kay kagawad Reyes, ganap na alas-2 ng hapon ay wala na silang nalalanghap na kemikal at balik normal na ang galaw ng kanilang constituents.
- Latest