Tinangkang lumapit sa PICC: Raliyista, pulisya nagkagirian
MANILA, Philippines – Mahigit sa 200 na mga raliyista, karamihan ay mga kabataan ang nakipaggirian sa mga pulis matapos na sumugod at tinangkang makalapit sa International Media Center at Philippine International Convention Center (PICC) upang mariing tutulan ang ginaganap na pagpupulong ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa bansa.
Alas-10:45 ng umaga nang sabay-sabay na sumugod ang grupong Youth Act Now, Kabataan Partylist, National Union of Students of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines (NUSP, CEGP), Kilusang Mayo Uno (KMU), PISTON sa kahabaan ng Gil Puyat Avenue at Roxas Boulevard sa Pasay City.
Maagap naman silang naharangan ng tauhan ng Pasay City Police, PNP Region 3 at 4-A, na tumatayong mga Civil Disturbance Management Battallion ang naturang grupo.Tumagal lamang ng 10 minuto ang girian ng dalawang grupo.
Nabatid na tinangka ng mga raliyista na buwagin ang barikada ng mga pulis at ang nakaharang na apat na malalaking container van at mga Metro Manila Development Authority (MMDA) plastic barrier patungo sa World Trade Center at PICC sa CCP Complex ng nasabing lungsod.
Dahil dito, napasugod si Philippine National Police (PNP) Chief Director Ricardo Marquez at nakipag-usap ito sa mga raliyista.
Humingi ng pang-unawa si Marquez at pinakiusapan nito ang grupo na panatilihing matiwasay at mapayapa ang isinasagawa nilang kilos protesta. Sabay na tiniyak ni Marquez na paiiralin ng mga kapulisan ang maximum tolerance.
- Latest