Biyahe ng LRT, MRT at PNR tuloy sa APEC
MANILA, Philippines – Tuloy at regular ang biyahe ng apat na mass train systems sa bansa sa panahon ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) leaders meeting sa susunod na linggo.
Ayon sa Department of Transportation and Communications (DOTC), layunin nilang matiyak na may alternatibong masasakyan ang publiko bunsod nang inaasahang masikip na daloy ng trapiko na daranasin sa mga lugar
na isasara dahil sa idaraos na APEC meeting
Ayon kay Metro Rail Transit (MRT) General Manager Roman Buenafe, regular train schedule ang paiiralin ng MRT-3 sa APEC 2015.
Para naman sa LRT line 1 at 2, sinabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Spokesperson Hernando Cabrera na regular ang biyahe ng kanilang mga tren sa APEC week.
Ayon naman sa PNR, regular rin ang train schedule nila sa Nobyembre 17 at 20. Gayunman, sa Nobyembre 18 at 19 ay ipatutupad nila ang holiday train schedule o “every one hour” ang biyahe ng kanilang mga tren.
Ang MRT-3 ang nag-uugnay sa North Avenue Station sa Quezon City at sa Taft Avenue sa Pasay City, via Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), habang ang PNR Metro Commuter Line naman ang nagkokonekta sa Tutuban sa Maynila at Calamba sa Laguna.
Ang LRT-1 ang nagkokonekta sa Roosevelt Station sa Quezon City at Baclaran sa Parañaque City habang ang LRT-2 naman ay may biyaheng Santolan sa Pasig City at Claro M. Recto sa Maynila.
- Latest