Pabrika ng karton sa Quezon City, nasunog
MANILA, Philippines – Tatlo katao ang iniulat na nasugatan sa sunog na lumamon sa isang pabrika na pagawaan ng karton sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Halos 20 oras ang itinagal ng sunog kung saan tatlo katao ang iniulat na nasugatan.
Ayon sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang mga sugatang biktima ay kinilalang sina Jeffrey Reyes, 26, fire volunteer na napaso ang mga labi; isang Lian Kate Laho, 3-anyos, at isang Rodora Apolonio, 59. Agad naman silang nalapatan ng lunas ng mga rumispondeng emergency unit sa lugar.
Nangyari ang sunog sa may pabrika ng karton na Boxboard Container Corporation na pag-aari ng isang Lucio Yan na matatagpuan sa Obrero St. Barangay Bagumbayan sa lungsod alas-8:00 Huwebes ng gabi.
Sinasabing kasalukuyang breaktime ng mga empleyado ng pabrika nang magsimula ang sunog sa may kusina na nagsisilbing lutuan ng pandikit ng karton.
Sabi ni Senior Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, dahil pawang mga papel at karton ang nakaimbak sa loob ng pabrika ay mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa tuluyang madamay ang ilang kalapit na gusali nito.
Dagdag ni Fernandez, anim na gusali ang nasa loob ng pabrika at halos 90 porsiyento nito ang naapektuhan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pag-apula ng BFP sa sunog na umabot na sa Task Force Bravo kung saan, ayon pa kay Fernandez ay maaring tumagal pa ng ilang oras bago nila tuluyang ideklarang fire out. Hindi pa rin batid ang halaga ng pinsala sa ari-arian at tunay na sanhi ng nasabing sunog.
Samantala, dahil sa mga nagliparang alipato o abo na nagmumula sa nasunog na pabrika, naapektuhan din ang ilang mga residente malapit sa lugar. May ulat na umabot na rin ang alipato hanggang Pasig City, Makati City, San Juan City, Mandaluyong City at Nagtahan sa Manila.
Samantala, nasa 16 na pamilya naman ang nawalan ng tahanan makaraang tupukin ng apoy ang isang residential area sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Dakong alas-7:30 ng gabi nang mag-umpisang kumalat ang apoy sa bahay ng isang Levi Brebgas sa Melewguas St. sa pagitan ng 10th at 11th Avenue sa Brgy. 98 sa lungsod.
Agad na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang yari sa light materials. Umakyat ang sunog sa ika-4 na alarma hanggang ganap na maapula dakong alas-8:35 ng gabi.
Hinihinala na napabayaan na gasera sa isang bahay na walang kuryente ang dahilan ng sunog. Nasa 12 bahay ang natupok at aabot sa P.5 milyon ang ari-ariang nasira. Wala namang iniulat na nasugatan sa naganap na sunog.
- Latest