FB user na nag-post na sangkot sa ‘tanim bala’ ang isang taxi driver, ipinaaaresto ng LTFRB
MANILA, Philippines – Na-cite for contempt at ipinaaaresto na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Facebook User na si Juluis Niel Habana matapos akusahan ang isang taxi driver na sangkot sa insidente ng ‘tanim bala’ sa NAIA.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, boardmember ng LTFRB, mangilang beses na nilang sinubpoena si Habana para sagutin ang ilang mga katanungan kaugnay ng kanyang FB post na isang taxi driver ay sangkot sa ‘tanim bala’ sa airport.
Ayon sa LTFRB, tinungo na ng mga tauhan ng ahensiya ang barangay 703 zone 77 district V Malate, Manila na sakop ng tirahan ni Habana pero walang nakitang blotter records dito kaugnay ng insidente.
Wala rin umano si Habana sa kanyang tirahan sa Sailors Dormitory sa Malate Maynila pero sinasabing ang una ay nagtungo sa Iloilo noong October 31, 2015.
Wala namang maisagot at maibigay na detalye ang opisina ni Habana sa may Malate Maynila hinggil sa kinaroroonan nito. Ipinarating din umano ni Habana sa mga tauhan ng LTFRB na sundan siya sa Iloilo para makausap siya kaugnay ng naturang isyu.
“Medyo may kayabangan itong si Juluis Habana. Kami pa ang board ang gusto niyang papuntahin sa Iloilo. Ngayun baka puntahan na nga siya doon para arestuhin”, pahayag pa ni Inton.
Kasabay nito, pinawalang sala naman ng LTFRB ang taxi driver na si Ricky Milagrosa sa bintang ni Habana dahil sa kawalan ng ebidensiya na nagpapatotoo sa FB post ng huli.
Sa FB post ni Havana, sinabi nitong si Milagrosa ay sangkot sa ‘tanim bala’ dahil nilagyan umano ng huli ng bala ang maleta ng pinsan nitong OFW na tutungo sa abroad.
- Latest