4 pasahero sa ‘laglag-bala’, pinalaya ng piskalya
MANILA, Philippines - Pinalaya kahapon ng Pasay City Prosecutor’s Office ang apat na pasahero na sa ibat-ibang pagkakataon umano ay nakuhanan ng bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na mabigong magsumite ng ballistic examination ang PNP Aviation Security Group.
Alas-2:00 kahapon ng hapon, nang ipag-utos ng piskalya, na palayain sina Rufina Cruz; Mildred Bitog; Ma. Josephine Rabano at Shine Enola, matapos sumailalim ang mga ito sa inquest proceeding kamakailan.
Iniutos din ni Pasay City Assistant City Prosecutor Alan Mangabat, na isailalim ang apat sa full blown preliminary investigation.
Nakasaad sa nasabing mga resolusyon, na alinsunod sa Republic Act 10591, ang nasamsam na bala ay kinakailangang maisalalim sa ballistic examination ng kinauukulang ahensya ng gobyerno para matukoy kung ito ay papasok sa kahulugan ng “ammunition” na itinatakda ng nasabing batas.
Ngunit dahil nabigo ang pulisya na magsumite ng ballistic findings at kulang ang ebidensya na kanilang iprinisinta, na naging dahilan para ideklara ng piskalya na “released for further investigation” ang apat.
Matatandaan, na noong nakaraang linggo limang katao kabilang ang isang 77-anyos na lalaki ang sumailalim sa inquest proceeding sa Pasay City Prosecutor’s Office matapos makitaan ng bala ng baril sa kani-kanilang mga bagahe habang ini-inspeksyon ang kanilang bagahe sa NAIA.
- Latest