No.3 most wanted, 4 pa huli sa Oplan Lambat Sibat
MANILA, Philippines – Lima katao kabilang ang number 3 most wanted person na sangkot sa pagtutulak ng iligal na droga ang nalambat ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkakahiwalay na operasyon sa lungsod, iniulat kahapon.
Sa ulat na ipinadala kay (QCPD) Director Police Chief Superintendent Edgardo Tinio, ang mga suspect ay kinilalang sina Willy Zamora, 56, may-asawa ng No. 8 Tendido St., Brgy. San Jose; Ryan Iran, 19, ng No. 50 Kaliraya St. Tatalon; Gilbert Abregas, 27, ng Sitio Verdant Hills, Roque Compound, NPC Village, Brgy. Pasong Tamo; Richard Cabunag, 44 y/o of 37 Miami St., Brgy. Silangan; at Leonila Manubay, 52 ng San Jose Del Monte City, Bulacan.
Ayon kay Tinio, si Zamora ay itinuring na number 3 most wanted person ng Police Station 1 (PS-1) dahil sa pagiging noturyus umano nito sa pagtutulak ng shabu sa La Loma.
Nadakip ang suspect ng tropa ni PS1 Commander PSupt Dario Anasco sa kahabaan ng Tindido St. Zamora matapos ang buy-bust operation, ganap na alas 7:30 ng gabi kung saan nasamsam mula dito ang tatlong piraso ng plastic sachet ng shabu.
Kasunod nito ang suspect na si Iran ay nadakip naman ng Galas Police Station (PS-11) sa pamumuno ni P/Supt Michael Macapagal, habang si Abregas ay naaresto naman ng mga operatiba ng Talipapa Police Station (PS-3) sa pamumuno ni P/Supt Victor Pagulayan dahil sa iligal na droga.
Ang suspect na si Cabunag ay nadakip ng Cubao Police Station (PS-7) sa pamumuno ni P/Supt Marlou Martinez kung saan nasamsam mula sa kanya ang apat na plastic sachets ng shabu. Si Manubay ay nadakip ng Masambong Police Station (PS-2) sa pamumuno ni PSupt Christian Dela Cruz na nakuhanan ng isang plastic sachet ng shabu.
Dagdag ni Tinio, ang pagkaka-aresto sa mga suspect ay bunga ng walang humpay na operasyon na ginagawa ng kanilang 12 police station laban sa mga nagtutulak o gumagamit ng iligal na droga sa lungsod.
Isinasagawa anya nila ang operasyon, base sa ipinapatupad na programa ng kapulisan na Oplan Lambat Sibat laban sa mga lawless elements na gumagala sa lahat ng sulok ng bansa.
Inihahanda na ang kasong isasampa ng kapulisan sa city prosecutor’s office laban sa mga nadakip na suspect.
- Latest