Taguig inilunsad ang TLC home care services
MANILA, Philippines – Libreng home care services para sa mga na-stroke, nakatatandang nakaratay na, at mga may malulubhang karamdaman ang panibagong serbisyong ipinatutupad ngayon ng pamahalaang lokal ng Taguig sa kanilang nasasakupan.
Tinawag itong TLC Home Care Service na may pagkakahawig sa home care program ng Estados Unidos kung saan binabalikan ang mga pasyenteng nangangailangan pang subaybayan ang kalagayan kahit lumabas na ng pagamutan.
Sinabi ni Taguig Mayor Lani Cayetano na sa ilalim ng programa ay magbibigay ng libreng home health nursing services ang lungsod sa mga nakatatanda o mga pasyenteng may malubhang kalagayan.
“Batid po namin ang hirap kapag mayroong miyembro ng pamilya na tinamaan ng malubhang karamdaman. Sa pamamagitan ng programang ito ay maiibsan ang pagdurusa ng pamilyang dumadaan sa ganitong pagsubok,” paliwanag ni Mayor Lani.
“Sa halip na sila ang humingi ng tulong ay ang pamahalaang lungsod na po ang tutungo sa mga komunidad para magkaloob ng serbisyo. Katulad po ito ng aming medical missions na sapul taong 2010 ay sinusuyod ang mga komunidad para magkaloob ng libreng konsulta at kumpletong gamot sa mga karamdaman.”
Sinabi naman ni Dr. Carlo Santos ng Taguig Pateros District Hospital (TPDH) Nursing Service Department na misyon ng TLC Home Care Service na matulungan ang mga pasyente na maibalik ang kanilang kalusugan at maging ang normal nilang pamumuhay. Gayundin ay upang maibsan ang paghihirap ng mga pamilyang may nakaratay na miyembro ng pamilya sa banig ng karamdaman.
- Latest