DWIZ reporter dedo sa tandem
MANILA, Philippines – Patay ang isang radio reporter habang isang waiter ang sugatan matapos na tamaan ng ligaw na bala makaraang pagbabarilin ang una ng riding in tandem sa harap ng isang fastfood sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) kinilala ang nasawi na si Jose Bernardo, ng radio dwIZ at kolumnista ng pahayagang Bandera at residente sa no. 4140 Doña Ana St., Brgy. Camarin, Caloocan City.
Sugatan naman si Marlon Deonio, 23, ng no. 28 Acacia St., Maypajo Village, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod.
Ayon sa ulat ni PO2 Jim Barayoga, may-hawak ng kaso, si Bernardo ay pinagbabaril ng isa sa dalawang lalaking sakay ng motorsiklo habang nakatayo sa harap ng isang fastfood sa Zabarte Road, Brgy. Kaligayahan, ganap na alas 9:24 ng gabi.
Sabi ng security guard na si Eulogio Berina Jr., nakatayo siya sa harap ng pintuan sa binabantayang Bernardino General Hospital nang makita niya ang isang hindi nakikilalang lalaki na biglang nagbunot ng baril habang papalapit sa biktima na magpaparada pa lang sana ng kanyang motorsiklo sa harap ng fastfood at biglang pagbabarilin ito.
Matapos ang pamamaril, parang walang nangyaring naglakad lamang papalayo ang biktima patungo sa isang kasamahang nakamotorsiklo na nagsilbing look out at sumakay dito, saka humarurot patungo sa direksyon ng Camarin, Caloocan City.
Agad namang itinakbo ang biktima ng mga sumaklolong barangay tanod sa Bernardino Gen. Hospital pero idineklara din itong dead on arrival.
Samantala, ilang hakbang lamang ang layo ay nakita naman si Deonio, 23, na sugatan matapos na tamaan ng ligaw na bala habang palabas ng nasabing fastfood.
Agad na itinakbo si Deonio sa FEU hospital kung saan ito nilapatan ng lunas dahil sa tama ng bala sa kanyang dibdib.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), narekober sa crime scene ang isang depormadong tingga ng bala, dalawang piraso ng basyo ng bala, at isang Racal MC motorcycle na pag-aari ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad upang matukoy ang motibo ng nasabing pamamaril.
- Latest