Sunog sa Pasay: 45 pamilya nawalan ng bahay
MANILA, Philippines - May 45 pamilya ang nawalan ng bahay at nasa P1.5 million halaga ng mga ari-arian ang napinsala sa apat na oras na sunog na naganap, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Base sa report ni Pasay City Fire Marshal Chief Inspector Douglas Guiyab, alas-6:30 ng gabi nang magsimula ang pagkalat ng apoy sa inuupahang bahay ni Mary Goto sa E. Santos St., Brgy. 172, Zone 17, Malibay ng nasabing lungsod na pag-aari ng isang Grace Aquino.
Nabatid na bigla na lamang nagliyab sa bandang kusina ng bahay ni Aquino hanggang sa mabilis kumalat ang apoy sa mga kalapit bahay nito na gawa lamang sa light materials.
Nahirapan ang mga bumberong maapula ang apoy dahil sa masikip ang mga kalsada kaya umabot ang sunog sa ikaapat na alarma.
Bandang alas-10:24 ng gabi nang tuluyan maapula ang apoy at ideklara itong fire-out. Wala namang naiulat na nasawi sa insidente.
- Latest