Imbakan ng mga nakaw na motorsiklo, ni-raid: 4 timbog
MANILA, Philippines – Apat katao, kabilang ang isang babae ang nasakote ng mga operatiba ng Anti-Carnapping Unit ng Quezon City Police District (QCPD-ANCAR) matapos ang ginawang pagsalakay sa isang compound kung saan nasamsam ang anim na piraso ng hinihinalang hindi lisensyadong motorsiklo sa lungsod, iniulat kahapon.
Sa ulat ni QCPD Quezon City Police District (QCPD) Director Police Chief Superintendent Edgardo Tinio, kinilala ang mga suspect na sina Marajan Hassan, 32; Christian Luis Alquirus, 32; Jamaica Entia, 26; at Qadir Addang, 24, pawang mga residente sa Al Salam Compound, Brgy. Culiat.
Nadakip ang mga suspect matapos isagawa ang anti-carnapping operation sa nasabing compound ganap na alas- 3:30 ng hapon.
Sa operasyon ay nasamsam mula sa mga nadakip ang tatlong piraso ng plastic sachet ng shabu at anim na motorsiklo na kinabibilangan ng isang Suzuki Thunder at isang Suzuki Raider R 150 (pawang mga walang plaka; isang Suzuki Raider J (ND 11433); Yamaha Mio Sporty (5048- QY); isang Honda Wave (6461-TE); at isang kulay green na Kymco (6568 –NS).
Ang mga nasabing motorsiklo ay isasailalim sa beripikasyon sa Land Transportation Office (LTO) at para sa macro-etching examination kung ang mga ito ay mula sa karnap.
Nakapiit ngayon ang mga suspect sa nasabing himpilan habang inihahanda ang kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at posibleng carnapping kung mapatunayan galing sa carnap ang mga naturang motorsiklo.
- Latest