Barkers iba-ban sa Valenzuela
MANILA, Philippines – Nagpalabas kamakailan si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ng kautusan na nagbabawal sa mga barkers sa piling lugar sa lungsod dahil sa idinudulot na perwisyo sa kalsada.
“Through an EO (executive order), we are banning barkers in some area. We will use traffic enforcers and police,” ayon sa ipinadalang text message ni Gatchalian sa PSN.
Ito ay makaraang makatanggap ng mga sumbong si Gatchalian sa publiko kabilang na ang sumbong ng PSN ukol sa mga abusadong barkers partikular sa may Gen. Luis Street sa tapat ng isang mall sa may Malinta Exit.
Nasaksihan ng PSN ang ginawang panununtok ng isang tinedyer na barker sa konduktor ng pampasaherong jeep makaraang makulangan sa P5 ibinigay para sa pagtatawag ng pasahero sa isang “no loading zone”.
Ilan pang reklamo ay ang pambubutas ng gulong ng mga jeep at bus na hindi magbibigay sa mga barker, pagharang ng sasakyan sa gitna ng kalsada at pagpaparada ng sasakyan sa mga “no loading at unloading zone.”
Una nang nagsagawa ng operasyon ang Traffic Management Office (TMO) sa naturang lugar at winalis ang mga barker makaraang matanggap ng alkalde ang sumbong.
Sinabi ni Gatchalian na maituturing nang “nuisance” o panggulo sa lipunan ang ginagawa ng mga barkers na wala sa tamang mga terminal at “loading and unloading zones”.
Idinagdag pa nito na may ordinansa na ring niluluto ang Sangguniang Panglungsod upang mahanapan ng solusyon ang kawalan ng trabaho ng mga barkers at maialis sila sa kalsada.
- Latest