Makati City gagamit ng drone sa Undas
MANILA, Philippines – Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng lungsod, gagamit ang pamahalaang lokal ng Makati ng remote controlled drone para mas lalo pang maitaas ang seguridad sa Manila South Cemetery at paligid nito ngayong darating na All Saints’Day at All Souls’ Day.
Sinabi ni Acting Mayor Romulo “Kid” Peña, Jr. na pamamahalaan ng Makati Rescue ang paggamit sa drone kung saan ito ay konektado rin sa pwersa ng pulisya na nakatalaga sa Manila South Cemetery.
Ipinag-utos rin ni Peña ang pagsuspinde sa number coding sa lungsod sa Biyernes, Oktubre 30. Samantala, hindi naman suspendido ang number coding sa Nov. 2 na hindi naman naideklarang holiday.
Ayon pa kay Peña, may 311 MAPSA personnel ang idi-deploy sa pagsasagawa ng ‘Oplan Undas’ mula Oktubre 31 hanggang Nov. 2 , kasama ang may 100 Makati police at 100 PNP-NCRPO. Habang 754 na mga kawani naman mula sa Department of Environmental services o DES ang itatalaga upang isagawa ang paglilinis at ipatupad ang anti-littering ordinance at plastic ban ng lungsod.
Samantala, maglalaan ng 20 wheelchair ang Makati Action Center upang ihatid ang nakatatanda at may kapansanan na bibisita sa sementeryo. Lahat ng kawaning naka-duty ay pamilyar sa loob at labas ng sementeryo kaya’t tiyak na maihahatid ng mabilis at ligtas sa kanilang destinasyon ang sinumang gagamit nito.
- Latest