NCRPO nakaalerto na sa Undas
MANILA, Philippines – Simula ngayong araw ( Oktubre 29 ) nasa full alert status na ang National Capital Region Police Office (NCRPO)at mahigpit na tututukan ang 98 sementeryo kaugnay ng ipatutupad na seguridad sa paggunita sa Undas.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Chief Inspector Kimberly Gonzales Molitas, Chief ng Public Affairs ng NCRPO, epektibo alas-6 ng umaga ngayong Huwebes ay isasailalim na sa full alert ang kanilang puwersa sa Metro Manila.
Ayon kay Molitas ang full alert status ay mananatili hanggang Nobyembre 3 kaugnay naman ng inaasahang pagbabalikan sa Metro Manila ng mga residenteng magtutungo sa mga probinsya.
Gayundin, binigyang diin nito na bawal muna ang day off sa mga pulis habang nasa full alert status ang NCRPO.
Sinabi ni Molitas na nangangahulugan ito na 18,000 puwersa ng NCRPO ay 24 oras na magbabantay para ma-tiyak ang kaligtasan ng publiko sa buong panahon ng Undas. Inaasahan naman na 6,000 hanggang 12,000 libong katao ang dadagsa sa mga pampublikong terminal na mahigpit ring babantayan ng mga operatiba ng NCRPO.
Samantalang pangunahin namang babantayan ang seguridad ng kabuuang 98 sementeryo, 104 mga bus terminals , pito pang mga terminals at dalawang pier na karaniwan ng dinaragsa ng mga taong nagtutungo sa probinsya sa panahon ng Araw ng Kaluluwa.
Nabatid pa sa opisyal na bawat sementeryo, terminal at mga pier ay lalagyan ng mga Police Assistance Hubs na babantayan hindi lamang ng mga pulis kundi maging ng mga medical volunteers at iba pang mga force multipliers.
- Latest