Pagresolba sa trapik sa Makati, pinatututukan
MANILA, Philippines - Upang mabilis na maresolba ang mga problema sa trapiko sa lungsod, inatasan ni Makati Acting Mayor Kid Peña ang Makati Public Safety Department (MAPSA) na palawigin ang oras ng pagseserbisyo hanggang alas-10 ng gabi, mula Lunes hanggang Biyernes sa pamamagitan ng pagdagdag ng bagong shift .
Ang bagong shift na magsisimula alas-2 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi ay dagdag sa regular na oras ng trabaho na nagsisimula mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Ang nasabing hakbang ay ipinatupad upang maresolba ang mga problema sa trapiko lalung-lalo na ngayong malapit na ang kapaskuhan. Layon din nito na mabantayan ang trapiko paglampas ng alas-5 ng hapon kung kailan sarado na ang mga opisina sa lungsod.
“Ngayong ipinatupad na ang karagdagang shift, masisiguro nating maagap nang mabibigyan ng tulong ang mga tao at hindi na kailangan maghintay kinabukasan o hanggang Lunes para maresolba ang kanilang traffic-related concerns. Kabilang dito ay mga reklamong tungkol sa towed vehicles at iba pang mga insidente na maaaring mangyari kapag Biyernes ng hapon,” sabi ni Peña.
Siniguro naman ni Arch. Elmer Cabrera, officer-in-charge ng PSD kay mayor na ang mga PSD traffic investigators ay magtatrabaho hanggang alas-10:00 ng gabi upang magbigay ng serbisyo.
Noong Setyembre 21, itinalaga ni Cabrera ang dating MAPSA traffic officer at bagong imbestigador ng Internal Affairs Office (IAO) na si Joseph Torrecampo Marzan upang pamunuan ang bagong shift.
Ayon kay Marzan, sa pagsisimula ng bagong shift, nagpahayag ng kasiyahan ang mga motorista sa Makati para sa mabilis na paglutas ng kanilang mga alalahanin patungkol sa trapiko.
Maliban sa mga towed vehicles at aksidente, iniimbestigahan din ng PSD-IAO ang mga reklamo at akusasyon laban sa MAPSA traffic officers, at iba pang mga iregularidad sa pagpapatupad ng patakaran at regulasyon sa trapiko.
Samantala, ipinapatupad pa rin ng PSD ang 24/7 deployment ng mga traffic enforcers sa mga pangunahing lansangan sa siyudad upang masiguro ang kaligtasan ng mga motorista at commuters.
- Latest