3 utas sa pamamaril sa Caloocan
MANILA, Philippines – Tatlo katao ang nasawi habang isa pa ang kritikal nang walang habas na mamaril ang isang hindi nakilalang lalaki, Linggo ng madaling-araw sa Caloocan City.
Hindi na umabot ng buhay sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ang mga biktimang sina Redentor Guzman, 40, factory worker; Mark Anthony Morales, 33, jeepney driver; at isang nakilala lamang sa alyas Charlie. Ginagamot rin sa naturang pagamutan ang 21-anyos na si Christopher Afan.
Sa inisyal na ulat ng Caloocan City Police, umiinom ng beer sa tapat ng isang tindahan sa may Phase 6 Kiko, Camarin, si Guzman habang nakatambay naman doon sina Afan at alyas Charlie nang dumating ang salarin.
Agad na pinagbabaril ng suspect ang tatlong biktima ngunit sa kanyang pagtakas ay nakasalubong si Morales na sakay ng isang motorsiklo kaya pinagbabaril rin ng gunman.
Matagumpay na nakatakas ang salarin. Narekober sa lugar ng krimen ang dalawang slug ng hindi pa matiyak na kalibre ng baril.
Patuloy namang inaalam ng mga imbestigador kung sino talaga ang target ng killer at ang motibo sa naturang krimen. Maari rin umanong thrill-killer ang nasabing suspect.
- Latest