Holdaper na tandem, timbog sa Quezon City
MANILA, Philippines – Naaresto ng mga nagpapatrulyang elemento ng Quezon City Police Station 3 ang dalawang binata na riding in tandem makaraang mangholdap ng isang negosyante na may-ari ng isang bulalohan sa Brgy. Talipapa sa naturang lunsod kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na report kay Chief/ Supt. Edgardo Tinio, District Director ng QCPD ni P/Supt. Victor Pagulayan, hepe ng Police Station 3, ang biktima ay nakilalang si Arturo Sabangan, 58, ng Sta. Quiteria, Caloocan City at nagmamay-ari ng 4K-Bulalo na matatagpuan sa No.3 Tandang Sora Avenue, Brgy. Talipapa, Quezon City.
Ang dalawang naarestong suspek na parehong menor de edad ay nakilalang sina Reggie Radam, 18, ng Brgy. Balon Bato at Tyron Dimaano, 18, ng Dimaano Compound, Brgy. Talipapa, ng nasabing lunsod.
Sinabi ni SPO1 Virgilio Udarbe, naganap ang insi-dente dakong alas-2:10 ng madaling araw sa loob mismo ng nabanggit na bulalohan kung saan abala umano ang biktima sa pag-aasikaso sa kanyang negosyo.
Bigla na lamang umanong pumarada ang isang motorsiklo sakay ang mga suspek at tuloy-tuloy ito sa loob ng kainan at agad tinutukan ng baril ang biktima at nagdeklara ng holdap.
Sapilitang kinuha ng mga suspek ang P25,000 cash na kinita ng restaurant at ang tatlong cellphone ng biktima.
Subalit bago pa umano makatakas ang mga susepk ay suwerteng napadaan ang nagpapatrolyang Mobile C-69 sakay ang tatlong miyembro ng QCPD Station 3 kung kaya’t naaresto ang dalawa.
Narekober sa mga suspek ang isang kalibre.38 na baril at isang .380 pistol na parehong loaded ng mga bala.
Napag-alaman naman na hindi narekober ang halagang P25K na cash at ang tatlong cellphone dahil lumilitaw na mabilis umanong naipasa ng mga suspek sa isa pang rider na nagsilbi umanong lookout ng mga suspek.
- Latest