Anak ni Jawo, pinayagang makapagpiyansa
MANILA, Philippines - Nasa tig-P120,000 sa bawat kaso ang inirekomendang piyansa ng Ma-kati City Prosecutors Office laban sa anak ng basketball living legend at dating senador Robert Jaworski matapos itong makipagbarilan sa mga pulis habang aarestuhin ito sa isang buy-bust gun running operation noong nakaraang buwan sa nabanggit na lungsod.
Sa tatlong pahinang resolusyon ng Makati City Prosecutor’s Office, nakakita ito ng probable cause laban kay Ryan Jaworski hinggil sa mga kasong kinakaharap nito, kabilang ang 4 counts attempted murder at paglabag sa Section 28, Republic Act 10591 (Illegal Possession of Fire Arms). Sa bawat isang kaso ay nagrekomenda ng P120,000 piyansa.
Kasama ni Jaworski ang kasabwat at driver nitong si Joselito Au, na nahaharap din ng kapareho ding mga kaso.
Samantala, ang kaso namang paglabag sa Section 3, Republic Act 10591 (Selling and Direct Assault upon an agent of person in authority), na kinakaharap pa rin ng batang Jaworski ay binasura naman ng naturang piskalya.
Binasura rin ng piskalya ang kontra kaso na isinampa ni Jaworski laban sa mga pulis.
Matatandaan, na noong madaling-araw ng Setyembre 26 ng taong kasalukuyan ay nakipagbarilan ang batang si Jaworski; driver nitong si Au at isa pang kasama nito sa mga kagawad ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) nang aarestuhin kaugnay sa gun-running operation.
- Latest