P2.4-M ATM robbery dating mga kawani ng bangko target ng QCPD
MANILA, Philippines – Target ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) na busisiin ang mga dating kawani ng Bank of the Philippines (BPI) na siyang hinala nilang nasa likod sa pagtangay sa halagang P2.4 million cash sa loob ng isang ATM ng isang bangko kamakailan sa lungsod.
Ayon kay Insp. Alan Dela Cruz, hepe ng robbery section QCPD-Criminal Investigation and Detention Unit, pinalalagay nilang ang dating mga kawani ng bangko ang nasa likod ng nasabing robbery dahil lumalabas na may alam ang mga ito sa makina ng ATM.
Gayunman, hindi rin nila anya isinasantabi ang motibo ng inside job dahil nakapokus ang kanilang pagsisiyasat sa sinumang nasa loob na may nalalaman umano sa pag-aayos ng ATM.
Matatandaang natangay ng pares na armadong riding-in-tandem ang kabuuang halagang P2.433.700 milyon sa loob ng ATM ng bangko noong October 13, 2015.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumabas na sinira muna ng hindi natukoy na suspect ang ATM upang buksan ito ng technicians at kumpunihin.
Habang kinukumpuni ng dalawang technician ang makina dumating ang apat na lalaking nakasuot ng helmet at pumasok sa booth saka inutusan ang mga una na buksan ito bago sinimulan ang paglimas sa laman nito.
Sabi ni dela Cruz, walang security guard nang mangyari ang insidente. Mayroon mang naitalaga pero tapos na itong mag-ikot sa lugar nang mangyari ang insidente.
- Latest