Kapalit ni Junjun, Abi Binay tatakbong alkalde ng Makati
MANILA, Philippines – Matapos ma-dismiss ang kapatid, naghain ng certificate of candidacy (COC) sa pagkaalkalde si Makati Rep. Mar-Len Abigail "Abi" Binay ngayong Huwebes.
Kasamang naghain ng babaeng Binay si Makati 1st district Rep. Monique Lagdameo bilang kaniyang running mate.
Tapos na ang termino ni Abi bilang kinatawan ng Makati kaya naman ang kaniyang asawang si Luis Campos ang tatakbo upang aniya’y maituloy ang kaniyang mga nasimulan para sa lungsod.
Nitong nakaraang linggo ay inilabas ng Office of the Ombudsman ang kanilang hatol kay dating Makati City Mayor Junjun Binay na i-dismiss, kung saan hindi na siya maaaring umupo sa anumang puwesto sa gobyerno.
Desisyon ng United Nationalist Alliance na pinamumunuan ng kanilang amang si Bise Presidente Jejomar Binay na tumakbo si Abi.
Samantala, tumakbo rin sa Makati ang mga artistang sina Jhong Hilario at Monsour del Rosario bilang mga councilor.
- Latest