10-anyos patay sa kuryente
MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 10-anyos na batang lalaki makaraang makuryente sa bubungan ng kanilang bahay nang sumunod sa ama na naglilinis sa rooftop, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Wala nang buhay nang maisugod sa Bernardino Hospital sa Quezon City ang biktimang si George Matthew Martin, residente ng Constellation Homes, Brgy. 177 Camarin, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong ala-1:50 ng hapon sa bubungan ng bahay ng pamilya Martin. Nabatid na nililinisan umano ni George Martin, ama ng biktima, ang kanilang bubungan nang sumunod ang anak ng hindi nito namamalayan.
Biglang bumuhos ang ulan kaya itinigil nito ang paglilinis. Dito nito narinig ang pag-iyak ng anak na bumagsak sa bubungan. Agad na sinigawan ng ama ang mga kasamahan sa bahay na patayin ang suplay ng kuryente na dumadaloy sa bubungan at sinaklolohan ang anak.
Agad na isinugod ni Martin ang anak sa nabanggit na pagamutan ngunit idineklara itong wala nang buhay dakong alas-2:12 ng hapon.
- Latest