Vulcanizing shop inararo ng Montero: 3 sugatan
MANILA, Philippines – Tatlo katao ang nasugatan makaraang tumbukin sila ng isang rumagasang SUV habang ang mga biktima ay nagpapakumpuni sa isang vulcanizing shop sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon kay Quezon City Traffic Sector 4 Police Aide Virginia Balmaceda, ang mga biktima na nagtamo ng mga minor injuries ay kinilalang sina Pedro Bandong, 57, tricycle driver; Leah Dumagag, 34, at Jeric Llames, 17, auto repair man.
Nasa kustodiya naman ng TS3 ang driver ng Mitsubishi Montero (AAP-133) na si Mark Gil Lopez, 24, at kasalukuyang iniimbestigahan.
Sa imbestigasyon ni PO2 Paul Florendo, nangyari ang insidente sa may main Avenue kanto ng 8th Avenue Cubao, partikular sa harap ng M. Aguilar Vulcanizing shop, ganap na alas-5:45 ng umaga.
Diumano, kasalukuyang nakaparada sa nasabing lugar ang tricycle ni Bandong, at Toyota Innova ni Dumagag, dahil sa inaayos ito ni Llames, nang biglang sumulpot ang Montero ni Lopez.
Sinasabing bago ito, tinatahak ng Montero ang main Avenue nang biglang tinumbok nito ang isang puno ng Nangka, saka dumiretso sa konkretong pader.
Sa lakas ng impact, nagtuluy-tuloy ang Montero hanggang sa madale na nito ang Innova at tricycle kung saan naroon ang tatlong biktima at masugatan.
Bukod sa puno at shop tumumba din ang isang poste ng kawad ng kuryente sanhi upang mawalan ng suplay ng kuryente ilang residente sa main avenue ng ilang oras.
- Latest