2 MTPB enforcers huli sa kotong
MANILA, Philippines – Dalawang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau(MTPB) ang dinakip ng Manila City Hall-Manila Action and Special Assignment (MASA) matapos umanong mahuli sa entrapment bunsod na rin ng reklamo laban sa kanila sa Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ni MASA chief, Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr. ang mga suspek na sina Joselito Garcia, 46 ng Road 4 Benita St. Gagalangin, Tondo, Maynila at Marvin Cannaoay, 32, residente ng Int. 17 Burgos St. Paco, Manila.
Ayon kay Irinco, matagal na umanong inirereklamo ang ilang tauhan ng MTPB sa lugar subalit hindi umano nila matiyempuhan ang mga ito.
Alas-3 ng hapon noong Biyernes nang ikasa ni SPO2 Nicanor Zablan III at P02 Joel Delos Santos ang entrapment operation matapos na magsumite ng reklamo ang isang Erickson Unday sa panulukan ng Recto at Evangelista St. Sta. Cruz, Maynila.
Sa pahayag ni Unday, hinihingan umano siya ng pera ng tatlong MTPB personnel matapos umanong masita dahil sa traffic violation. Lumilitaw na una nang nahuli si Unday ng mga nabanggit na enforcers kung saan nagbigay siya ng P1,500.
Dahil walang pera minabuti ni Unday na iwan ang kanyang lisensiya kina Garcia at Cannaoay kung saan humingi na siya ng tulong sa MASA. Agad namang naglaan ng mark money si Irinco at isinagawa ang entrapment operation kung saan agad na dinakip sina Garcia at Cannaoay habang nakatakas naman ang isa pa.
Sinampahan na ng kasong robbery extortion sa piskalya sina Garcia at Cannaoay.
- Latest