4 na suspects timbog kinidnap na Indian national, nasagip ng NBI
MANILA, Philippines - Nasagip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang negosyanteng Indian national na dinukot at pinahirapan ng isang kidnap for ransom group sa isang safehouse sa Laguna, ayon sa ulat kahapon.
Sa pulong-balitaan, sinabi ni NBI Director Virgilio Mendez na walang ransom money na naibigay sa paglaya ng biktimang si Jujhar Singh dahil sa maigting na intelligence gathering lamang para sa pagtukoy at matagumpay na operasyon ng grupong pinamunuan ni NBI-National Capital Region Director Max Salvador.
Ayon kay Dir. Salvador, nai-rescue ang biktima sa isang safehouse sa Banay-banay, Cabuyao, Laguna. Doon nadatnan ng operatiba ang biktima na nakaposas ang mga kamay at naka-kadena ang mga paa sa bintanang bakal. Nabatid na pinahirapan ang biktima sa loob ng 6 na araw. Una umanong humingi ng ransom money na P20-milyon ang sindikato sa kapatid ng biktima.
Noong Sept. 25, 2015 nang dukutin ang biktima habang naniningil ng pautang sa Edison St., Makati City.Kinaladkad at isinakay ito sa puti na van na sinabing nirentahan lamang bago inilipat sa back-up na convoy Fortuner at dinala sa safehouse.
Nang ireport sa NBI, naging mabusisi ang kanilang pagtunton hanggang sa matagpuan ang biktima sa pinagdalhang bahay.
Naging daan na rin ito para madakip naman sa General Trias, Cavite ang mastermind ng grupo na si Zahr-Ahmed Chaudry, isang Pakistan National, at bayaw nitong si Jimmy Cortez sa General Trias Cavite, pati na ang dalawang iba pang umano’y miyembro ng sindikato na sina Joshi Tarun at Pradeep Kumar Sharma na parehong Indian national na nadakip naman sa Maynila.
Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang baril, cellphone, SUV, at iba pang mga dokumento na may kinalaman sa kidnapping.
Nakatakda namang isailalim sa inquest proceedings ang mga suspek na sinampahan ng kasong kidnapping for ransom at illegal possession of firearms.
Iniimbestigahan pa ang mga posibleng kasabwat ng sindikato na miyembro umano ng Philippine National Police (PNP) dahil ang nakuhang pistol ay PNP issued.
- Latest