Tricycle, pedicab sa EDSA at national road, huhulihin ng HPG
MANILA, Philippines – Sisimulan na ngayon ng Philippine National Police Highway Patrol Group ang paghuli sa mga tricycle at pedicab na makikitang bumibiyahe sa national Road o kahabaan ng Edsa.
Ayon kay HPG Director Chief Supt. Arnold Gunnacao, ang sinumang mahuhuling driver ng tricycle at pedicab ay kanilang titiketan na ang kapalit ay may multang P1,600. Mas malaki ang nasabing danyos kaysa sa kinikita nila sa maghapong pamamasada.
Gayunman, tanging paniniket lamang ang kanilang gagawin at bahala na ang Land Transportation Office (LTO) para sa paniningil nito.
Ginawa ang pagbabawal ng mga tricycle at pedicab sa Edsa dahil sa nakakadagdag din ito ng problema sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan.
Hindi naman sakop ng linya ng kanilang mga tricycle at pedicab ang Edsa subalit, nagkalat ang mga ito sa Edsa na nagiging sanhi upang bumagal ang takbo ng daloy ng mga sasakyan na pangunahing bumiyahe ng maayos sa kahabaan ng Edsa.
Sabi ni Gunnacao, matagal nang may utos nang pagbabawal sa mga tricycle at pedicab sa Edsa at iba pang pangunahing kalsada pero hindi nagawang mapigilan ng mga itinalagang tropa ng MMDA dahil pumapalag ang mga ito kapag hinuhuli o pinagbabawalan.
Tatlo hanggang apat na miyembro ng MMDA lamang anya ang itinatalaga sa bawat lansangan kumpara sa grupo ng mga tricycle kung kaya minsan ay natatakot na rin ang mga ito at hinahayaan na rin silang bumiyahe kahit bawal.
Pero sa ngayon, giit ni Gunnacao, hindi na umano maaari ang ganitong sistema at ipapatupad nila ng mahigpit ang naayon sa batas upang maging maayos ang daloy ng mga sasakyan at makaiwas na rin ang mga pasahero ng mga ito sa posibleng kapahamakan.
- Latest