‘Tulak’, 1 pa todas sa pamamaril
MANILA, Philippines – Dalawa katao ang patay kabilang na ang pinaniniwalaang ‘tulak’ nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa sa Malabon City.
Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng bala ng hindi mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Joel Baysa, 36, Civil Security Unit ng #103 Adante St., Brgy. Tañong ng nasabing lungsod habang dead-on-arrival naman sa Paga-mutan Bayan ng Malabon (PBM) si Marissa Brondo, 44.
Ginagamot naman sa Tondo Medical Center (TMC) sina Clareto Tenolete, 39 at Andrea Mae de Ocampo, 7, pawang taga C-4 Road, 1st St., ng nasabi ring barangay sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek at nagsasasagawa pa ng follow-up hinggil dito.
Ayon kay Police Insp. Rey Medina, hepe ng Station Investigation Division (SID), naganap ang insidente alas-5:30 ng hapon sa kahabaan ng C4 Road, Brgy. Tañong ng nasabing lungsod.
Nabatid na ipinarada ni Baysa ang kanyang motorsiklo sa naturang lugar at habang naglalakad ito sa eskenita at bigla na lamang sumulpot ang mga suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ito na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang dinala naman ang tatlong biktima sa mga nasabing pagamutan nang tamaan ng mga ligaw na bala subalit, hindi na rin umabot ng buhay si Brondo.
Na-recover ng mga rumespondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng insidente ang 11 basyo ng bala ng baril habang nakuha naman sa katawan ni Baysa ang isang maliit na sachet ng pinaghihinalaang shabu.
May kinalaman sa droga ang isa sa mga motibong iniimbestigahan ng pulisya hinggil sa naganap na pamamaslang dahil na rin sa shabu na na-recover sa biktima.
- Latest