Biktima ng online recruitment dumulog sa NBI
MANILA, Philippines - Nagpasaklolo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang ilan sa may 3,000 umanong nabiktima ng online placement agency na pawang mula sa Angeles City, Pampanga para sa ireklamo ang isang banyaga at live-in partner na nag-o-operate nito.
Sa reklamo nina Vicencio Castillo Jr.,39; Edwin Galang, 38; Alexander Mendoza, 45; Daniel De Guzman, 51; Marlon Ebio, 35; at Alberto Rivera, 44, pawang taga Angeles City, Pampanga, sila ay kabilang lamang sa naloko ng mga recruiter na sina Phil Cooper, tubong New Zealand at ka-live in nitong si Maria Joy Valfriz. Sa reklamo ng mga biktima, pinangakuan sila ni Cooper na makapagtrabaho sa naturang bansa, gamit ang modus na kailangan umano ang may 30,000 Pinoy skilled workers para sa New Zealand, subalit mahigit isang taon na anila ay hindi pa rin sila napapaalis. Sa nakuhang dokumento na inisyu ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), kabilang sina Cooper at Valfriz na may ‘derogatory record’ dahil kabilang sila sa binigyan ng closure order noong taong 2014, sa certification na inisyu noong Agosto 2015. Ayon sa mga complainant, hiningan sila ng P3,500 para sa assesstment fee bukod pa sa ibang requirements na umabot sa halagang P10,000 bawat aplikante. Hindi na umano matukoy kung nasaan ang mga recruiter dahil hindi naman sila nakapangibayong dagat at nang magberipika sa POEA ay natuklasan din na walang job order para sa Kiwi Assessment Training Center para sa New Zealand.
- Latest