‘Shabu queen’ sa Quezon City, timbog
MANILA, Philippines - Arestado sa isinagawang buy bust operation ng Quezon City Police District ang tinaguriang shabu queen sa lungsod kung saan nasamsam dito ang P2.2 milyon halaga ng shabu kahapon.
Kinilala ni QCPD Director P/Chief Supt. Edgardo G. Tinio ang nadakip na suspek na si Merlita Samson, alyas Merly, 45, leader ng ‘Amalie Drug Group’ at residente ng Sitio San Roque, Brgy. Pag asa sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Gen. Tinio, ang pagkakadakip sa suspek ay may kaugnayan sa patuloy na operasyon ng QCPD matapos ang isinagawang drug bust operation noong nakaraang linggo kung saan ay napatay ang dalawang kasapi ng nabangit na grupo sa Brgy. Greater Fairview at isa pang drug operation sa Sta Teresita.
Base sa report, dakong alas-4:30 ng madaling araw kahapon, inilatag ang operasyon ng District Anti-illegal Drugs Special Operations Task Group (DAIDSOTG) sa Hilltop st., cor., Araneta Avenue, Brgy. Tatalon, Quezon City sa pamumuno ni P/Supt. Enrico Figueroa.
Isang poseur buyer ng QCPD ang nagsaayos ng drug deal sa suspect.
Matapos ang pag-uusap at senyas ng poseur buyer ay dinamba ang suspek kung saan nakumpiska dito ang 2 zip lock plastic ng shabu. Nakatakda itong sampahan ng kaukulang kaso.
- Latest