Gun running syndicate ni Jaworski, hahalukayin
MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Chief Supt. Joel Pagdilao ang paghalukay sa sindikato ng ‘gun running’ na posibleng kinaaniban ni Ryan Joseph Jaworski.
Sinabi ni NCRPO spokesperson, Chief Insp. Kimberly Gonzales na nais malaman ni Pagdilao ang lalim ng operasyon sa pagbebenta ng iligal na mga baril ng grupo ni Jaworski lalo na’t papalapit ang halalan.
Nilinaw naman ng Regional Police Intelligence and Operations Unit (RPIOU) na buy bust sa pagbebenta ng baril ang kanilang ginawa at hindi ukol sa iligal na droga.
Isang linggo umano nilang isinailalim sa pagmamanman ang grupo ni Jaworski bago ikinasa ang operasyon sa panulukan ng Chino Roces Avenue at Pasay Road sa Makati City.
Arestado sa operasyon si Ryan Joseph, 40, anak ni basketball legend Robert Jaworski at driver nitong si Joselito Au, 52. Nakatakas naman ang kasamahan nila na si Fernando Parago.
Narekober sa mga suspek ang isang shotgun rifle, 19 na pirasong fire cartridges mula sa M-16 rifle, 14 mula sa 9mm at 2 piraso mula sa caliber .40.
Sugatan sa insidente si Jaworski makaraang makipagbarilan umano sa mga pulis. Isinugod ito sa Makati Medical Center.
Nakatakdang sampahan naman ng mga kasong paglabag sa Comprehensive Law on the Possession of Firearms and Ammunitions, direct assault at attempted murder makaraang bundulin ng mga suspek ang sasakyan ng pulisya na nagresulta sa pagkakasugat ng dalawang pulis.
- Latest