MMDA, Metro Manila Mayors nagkasundo 5 tulay itatayo sa Metro Manila vs traffic
MANILA, Philippines - Pagpapatayo ng limang tulay ang napagkasunduan ng Metropolitan Manila Development Authority kasama ang mga Metro Manila mayors upang masolusyunan ang matinding trapiko.
Sa ginanap na pagpupulong sa Manila Yatch Club, sinabi ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na ang nasabing pagtatayo ng tulay ay napagdesisyunan ng lahat ng mga alkalde at MMDA sa pangunguna ni Chairman Francis Tolentino.
Kabilang na dito ang mga strategic choke points sa C.P. Garcia Ave. – Katipunan; Dela Rosa St. – Katipunan; Santolan; Vito Cruz at P. Tuazon Blvd.
Iminungkahi din ni Moreno na mas makabubuti kung magkakaroon ng iisang sistema sa traffic strategies at magtalaga ng ahensiya na mangangasiwa sa sistema ng trapiko sa Kamaynilaan gayundin sa mga enforcers.
Mas nakatitiyak din na mapananagot ang mga traffic violators kahit pa tumawid ng ibang lungsod dahil iisa na lamang ang sistema at hindi na iba-iba na naipatutupad ngayon ng mga lungsod.
Pabor din si Moreno na ibigay na lamang sa iisang ahensiya tulad ng MMDA ang traffic enforcement ng mga local government units upang iisang batas na lamang ang ipatutupad.
Samantala, bumuo naman ng bagong task group si QC Mayor Herbert M. Bautista na direktahang mangangasiwa at magsasagawa ng clearing operations sa mga kalsada sa lunsod mula ngayon.
Ito ay sa pamamagitan ng isang Executive Order No.12 na nilagdaan ni Ma-yor Bautista na layuning makapagpatupad ng isang comprehensive, integrated at sustainable special operations program na titiyak sa maayos na daloy ng trapiko at pedestrian traffic sa QC.
Ang QC na may ¼ ng populasyon sa Metro Manila, ay isang major gateways ng vehicular traffic sa National Capital Region (NCR).
Isa sa bubusisiin ng bagong tatag na grupo ang kahabaan ng EDSA sa QC na siyang problema ngayon sa matinding daloy ng trapiko laluna sa may Balintawaak market area at sa may Munoz area, ang lugar na kinaroroonan ng Dario creek na isinasailalim ngayon sa rehabilitasyon ng DPWH.
Ang bagong task group ay sasailalim sa superbisyon at control ni Bautista sa ilalim ng Department of Public Order and Safety (DPOS) na pinamumunuan ni Gen. Elmo San Diego.
- Latest