Petisyon vs Uber at Grabcar, isinampa sa LTFRB
MANILA, Philippines – Nagsampa ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ( LTFRB) ang transport group na 1 Utak upang kanselahin ang operasyon ng Transportation Network Company na Uber at Grabcar.
Binigyang diin ng 1 Utak na dapat nang kanselahin ng LTFRB ang naibigay na akreditasyon ng ahensiya sa operasyon ng Uber at Grabcar dahilan sa hindi dito ligtas ang kapakanan ng mga pasahero dahil wala silang franchise at wala ding proteksiyon ang mga pasahero nito dahil hindi nareregulate ng LTFRB ang pasahe sa kanilang operasyon.
Ang Uber at Grabcar ay nabigyan ng akreditasyon ng LTFRB na nilagdaan ni LTFRB Chairman Winstons Gines, boardmember Ronaldo Corpuz at executive director Roberto Cabrera bilang TNC o mga on-line private cars na nagsasakay ng mga pasahero sa kani-kanilang destinasyon pero wala silang franchise na ibig sabihin walang insurance ang mga pasahero oras na maaksidente ang sasakyan. Tanging si LTFRB boardmember Ariel Inton ang hindi lumagda sa akreditasyon ng Uber at Grabcar .
Pagsakay mo sa Uber at Grabcar taxi ay P70.00 agad ang flagdown ng pasahe at computerized na agad kung magkano ang ibabayad dito ng pasahero sa oras na sumakay dito.
Katwiran ng 1 Utak, walang dahilan na mabigyan ng provisional authority to operate ang naturang mga on-line private cars.
Oras namang mailatag sa LTFRB board ang naturang petisyon ay bibigyan ng 15 araw ang Uber at Grabcar para sagutin ang petisyon ng 1Utak at pagkatapos ay isasalang sila sa serye ng public hearing para sa kaukulang rekomendasyon ng ahensiya hinggil sa operasyon ng naturang mga on-line for-hire units.
- Latest