Pagsasapribado ng mga palengke giit ipahinto
MANILA, Philippines – Umapela si Buhay partylist Rep. Lito Atienza kay Manila Mayor Joseph Estrada na itigil ang pagsasapribado ng mga palengke sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Atienza, hindi dapat ituloy ni Estrada ang mga programang malinaw na lumalabag sa City Charter ng Manila tulad ng pagsasapribado ng mga pampublikong pamilihan.
Sa halip umano na gibain at isapribado mas mainam na i-repair o i-rehabilitate na lamang ang 17 public markets sa lungsod dahil sa mahalaga umano ang operasyon nito sa pagbibigay ng public service.
Bukod dito lubhang maapektuhan na rin ang mga Manileño dahil kapag isinapribado ang mga pamilihan ay tiyak na mula sa P20 na bayad sa mga puwesto ay magiging P80 na ito o higit pa kaya ipapasa naman ito sa mga mamimili.
Iginiit din ni Atienza, na historical na ang Quinta market subalit wala pa itong 100 taon para gibain dahil ginastusan din ito ng lokal na pamahalaan noong siya pa ang alkalde ng Maynila.
Idinagdag pa ng dating Alkalde na suportado niya ang panawagan ng mga vendors sa nasabing isyu dahil lubhang maapektuhan ang kabuhayan at pamumuhay ng mga ito sa hakbang ni Erap.
Nagbabala naman ang kongresista na kapag nakalusot ang plano ni Erap na isapribado ang mga palengke sa Maynila ay bibilhin na rin ng mayayaman ang buong palengke sa bansa at mawawalan ng hanapbuhay ang mahihirap na Filipino.
- Latest