Anak ni Ka Roger, laya na!
MANILA, Philippines – Tuluyan nang pinalaya kahapon ang political prisoner na si Andrea Rosal, anak ng yumaong tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas na si Gregorio ‘Ka Roger’ Rosal mula sa bilangguan nito sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.
Ito’y matapos na ibasura ni Judge Rodolfo Obnamia Jr., ng Regional Trial Court Branch 64, ng Mauban, Quezon ang kasong murder na kinakaharap ni Rosal.
Nabatid na si Rosal ay nakulong sa Taguig City Jail sa Camp Bagong Diwa, Bicutan ng naturang lungsod.
Marso noong nakaraang taon nang arestuhin dahil sa kasong murder at kidnapping si Rosal na noon ay buntis, at tuluyan namang nakunan dahil sa hindi maayos na kondisyon sa loob ng piitan.
Una nang ibinasura ng Pasig City Court ang kasong kidnapping noong nakaraang taon.
Ayon sa isa sa mga abogado ni Rosal na si Maria Kristina Conti, ibinasura ng hukuman ang mga kasong kinakaharap nito dahil walang sapat na ebidensiya laban dito.
Samantala, bahagi umano ng demokrasya ang pagpapalaya ng korte kay Rosal.
Ito naman ang naging reaksyon kahapon ng AFP matapos na kunan ng opinyon sa paglaya ng kanilang inaresto at napiit na si Rosal.
Sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato na may demokrasyang umiiral sa bansa at tumatalima lamang ang mga kinauukulan sa batas.
“May court order yun, it only shows that we have a democracy, healthy democracy na working na kapag ikaw ay may karapatan, ipaglaban mo sa korte,” pahayag ni Detoyato.
- Latest