Dahil sa ilang factors HPG mas epektibo sa EDSA kaysa MMDA
MANILA, Philippines - Ipinagmalaki ni Highway Patrol Group (HPG) director Chief Supt. Arnold Gunnacao na mas epektibo ang kanilang mga tauhan sa pagpapatupad ng batas trapiko kung ikukumpara sa mga constables ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi ni Gunnacao sa pagdinig sa Kamara na mayroong mga factors na meron ang kanilang mga traffic enforcers na wala naman sa mga tauhan ng MMDA.
Kahit sa ilang aspeto ay epektibo umano ang MMDA constables ay wala naman umanong authority ang mga ito na tulad ng mga tauhan ng HPG na nirerespeto ng mga motorista.
Nilinaw naman nito na hindi nila didisarmahan ang mga tauhan ng HPG na itinalaga para mag-ayos ng trapiko sa kahabaan ng EDSA at non-negotiable umano ang pagpapadala ng issued firearms ng kanilang mga tauhan dahil ito ay para sa kanilang proteksyon.
Subalit mahigpit umanong susundin ng mga ito ang operational guidelines ng PNP sa paggamit ng armas kaya hindi basta bubunot ng armas ang mga HPG traffic enforcers hanggat hindi nanganganib ang kanilang buhay.
Kung wala naman umanong pangangailangan sa paggamit ng baril, ang tanging armas na gagamitin umano ng mga tauhan ng HPG ay ang pang-ticket sa mga lalabag sa batas trapiko.
Hinikayat naman ni Gunnacao ang publiko na mag-video kung huhulihin sila ng mga tauhan ng HPG para mayroon agad ebidensiya kung mangongotong ang mga ito bagamat mahigpit na ang babala sa mga ito ng PNP.
- Latest